Pahayag ni Pangulong Aquino ukol sa abolisyon ng PDAF




Pahayag ni Pangulong Aquino ukol sa abolisyon ng PDAF, ika-23 ng Agosto 2013


Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas

Pahayag Ukol sa abolisyon ng PDAF at mga reporma sa pagbabadyet
[Inihayag sa Bulwagang Kalayaan, Palasyo ng Malacañan, noong ika-23 ng Agosto 2013]

Taong 1990 nang binuo ang tinatawag na nating PDAF ngayon para sa isang marangal na layunin: Ang bigyang-lakas ang inyong mga Kinatawan sa Kongreso, upang tumukoy ng mga proyektong hindi kayang pondohan ng mga local government units. Wala pong mali o masama sa polisiyang ito. Ang mali, ang masama, at ang siya ngang ikinagagalit ng taumbayan, ay ang pagsasabwatan sa pagitan ng isang pangulong handang makipagtransaksyon para manatili sa kapangyarihan; mga mambabatas handang makipagkuntsabahan; at kung nariyan ang kooperasyon ng burukrasya; at mga mamamayang tila namanhid na sa panlalapastangang ginagawa sa kanila–kung nagsama-sama po ang mga sangkap na ito, maaaring maabuso ang PDAF. Kailangan nating maniguradong hindi na maaabuso ang sistema.

Akala po ng iba, pera nila ang PDAF, na puwedeng gastusin kung paano nila gusto. Pero mali po ito: Pera ng bayan ang pinag-uusapan dito, at sa bayan dapat–at hindi sa ilang gahaman lamang– ang pakinabang nito. Nakakagimbal nga po ang mga rebelasyon tulad ng mga nakapaloob sa COA Special Audit Report ukol sa paggamit ng PDAF noong 2007 hanggang 2009, na inilabas nitong nakaraang linggo. Dalawang bagay po ang malinaw na kailangan nating gawin sa panahong ito.

Una, ang panagutin ang mga umabuso sa sistema. Kahapon, iniulat ko sa inyo: Inatasan ko ang DOJ, sampu ng lahat ng ahensya ng ehekutibo sa ilalim ng Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council, o IAAGCC, na mag-ambagan at magtutulungan upang mapabilis ang proseso, mula sa imbestigasyon, hanggang sa pag-usig, hanggang sa pagpapakulong, at pati na ang pagbawi ng ilegal na yaman. Malinaw ang aking direktiba sa lahat ng ahensya at kawani ng gobyerno: Ibigay ang inyong buong tulong at kooperasyon upang mahanap ang katotohanan, at nang mapanagot ang dapat managot.

Buong-buo po ang kumpiyansa ko sa integridad nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Kalihim Leila M. de Lima, at Chairperson Grace Pulido-Tan; alam kong wala silang kikilingan. Kinakatawan nila ang panunumbalik ng tiwala ng publiko sa mga institusyong kanilang pinamumunuan.

Iyan po ang balangkas ng ating unang layunin. Ang ikalawa: maghanap ng mas mainam na paraan upang siguruhing ang pera ng taumbayan ay mapunta sa taumbayan lamang. Lilinawin ko po: Simula pa lamang, pilit na tayong nagpapasok ng reporma upang bawasan ang diskresyon, na siyang ugat ng labis at maling paggamit ng PDAF. Naniniwala tayo: kung hayag ang proseso, mababawasan din ang pang-aabuso sa sistema. Inatas po nating itala sa Pambansang Budget kung magkano ang PDAF na natatanggap ng bawat mambabatas, at ipinagbawal na rin natin ang congressional insertions. Partikular na lamang ang menu na puwedeng paglagyan ng PDAF, hindi katulad dati kung kailan inilalagay lamang ito sa kung saan-saan. Hinihingi na rin natin ang mga detalye ng proyekto, di gaya ng nakaraan kung kailan kahit malawak ang depinisyon ay naaaprubahan ito. Real time na ring ina-uploadsa website ng DBM ang listahan ng proyektong napopondohan ng PDAF, kaya’t malaya itong mabusisi ng madla. Pagdating naman sa bidding, lahat ng bid notices at awards ay nakapaskil na rin sa Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS.

Naalala ko nga po noong Senador ako. Ang budget, nakalaan para sa January 1 hanggang December 31. Noong 2007, naaprubahan ito, Abril na. Ibig sabihin, mula Enero hanggang Abril, carry over ang budget mula sa nakaraang taon. Di ba makatuwiran na dahil na-reenact ang budget, tanggalin na rin sa budget ang pondo para sa mga buwan na nakalipas at nagastusan na? Natalo po ang mungkahi ko–kaya bumoto ako ng “No” sa budget ng 2007. Tinatayang 36 billion pesos ang biglang naging savings noong taong ito. Ang tanong po: Saan naman po kaya napunta itong 36 billion na ito?

Kaya nga po, mula nang maupo tayo, maaga na ring isinusumite at inaaprubahan ang budget, upang hindi na ito paulit-ulit na ma-reenact, na maaari ring magamit bilang instrumento ng pang-aabuso. Sa araw matapos ang SONA, isinusumite na namin ito sa Kongreso; naaaprubahan po nila ito bago matapos ang taon, kaya’t nabawasan na rin ang pagkakataong makakalikot ito at mapagkakitaan.

Sa kabila po ng mga repormang ito, nakita natin sa mga ulat na lumabas nitong mga nakaraang linggo: kailangan pa ng mas malaking pagbabago upang labanan ang mga talagang pursigidong abusuhin ang sistema. Panahon na po upang i-abolish ang PDAF.

Ngayon, bubuo tayo ng bagong mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at sektor–sa paraang tapat, gamit ang tama at makatuwirang proseso, at nang may sapat na mga kalasag laban sa pang-aabuso at katiwalian.

Katuwang nina Senate President Frank Drilon at Speaker Sonny Belmonte, sisiguruhin kong bawat mamamayan at sektor ay makakakuha ng patas na bahagi ng pambansang budget para sa serbisyong pangkalusugan, scholarship, proyektong lumilikha ng kabuhayan, at lokal na imprastruktura. Makakapagmungkahi ng proyekto ang inyong mga mambabatas, ngunit kailangan itong idaan sa proseso ng pagbubuo ng budget. Kung maaprubahan, itatalang mga ito bilang mga line item, alinsunod sa mga programa ng Pambansang Pamahalaan. Mapapaloob ito sa batas bilang Pambansang Budget– hihimayin ang bawat linya, bawat piso, bawat proyekto, gaya ng lahat ng iba pang mga programa ng inyong pamahalaan.

Dagdag pa rito, ang mga proyekto, at ang pag-release ng budget para sa mga ito, ay magkakaroon ng mga sumusunod na patakaran laban sa katiwalian:
1.   Itutuloy natin: Kailangang manggaling sa isang limitadong menu ang mga proyektong popondohan.
2.  Ngayon, bawal na ang mga consumable na soft project tulad ng fertilizers, punla, gamot, medical kits, pustiso, paliga, training materials, at iba pang mga bagay na hindi masusuri kung totoo ngang may kinahihinatnan, o kung nagmumulto at pinagkakakitaan lamang.
3.   Ngayon, bawal na rin ang mga panandaliang imprastruktura, tulad ng mga dredging, desilting, regravelling, o asphalt overlay project.
4.   Ngayon, bawal na ring padaanin ang pondo sa mga NGO at piling GOCC tulad ng ZREC at NABCOR. Bubuwagin na po ang mga GOCC na ito at iba pang tulad nila, na paulit-ulit na ginamit sa kuntsabahan, at parang wala namang ibang silbi kundi ang maging instrumento ng katiwalian.
5.   Ngayon, limitado na sa distrito o sektor ng mambabatas na nag-sponsor ang kanyang panukalang proyekto.
6.   Ipagpapatuloy natin ang tapat at bukas na bidding para sa bawat proyekto; kailangang ipaskil sa Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS ang lahat ng mga bid notices at awards.
7.   Patuloy din pong masubaybayan ng taumbayan ang implementasyon ng mga proyekto, ihahayag ito nang buo sa website ng DBM at kaukulang ahensya, pati na sa National Data Portal ng gobyerno.

Inatasan ko na si Secretary Abad ng DBM na kumonsulta kina Speaker Belmonte at Senate President Drilon upang pandayin ang mekanismo, at isumite ito kaagad sa akin. Ilalatag natin ito upang ang mga alokasyon sa bawat distrito ay mapabilang na sa ating Pambansang Budget simula sa panukalang budget ng 2014.

Gagana lamang po ang sistemang ito kung makikiisa at makikilahok kayo. Ihahayag po nang buo ang impormasyon; suyurin at kilitasin po natin ito. Nananawagan akong makiambag at magsikap ang bawat isa, gaya ng pakikiambag at pagsisikap ng inyong gobyerno. Sama-sama nating pagtibayin ang pananagutan at katapatan, upang masigurong ang pera ng bayan ay ginugugol sa paraang makatarungan at tunay ninyong napapakinabangan.

Maraming salamat po, at magandang araw po.


English Version here - http://www.gov.ph/2013/08/23/english-statement-of-president-aquino-on-the-abolition-of-pdaf-august-23-2013/
[English] Statement of President Aquino on the abolition of PDAF, August 23, 2013


Comments

Popular posts from this blog

2013 Month of Overseas Filipinos - Davao Regional Forum

Happy Birthday Buddha!

Qassia FAQ